Gustong magpahinga sa mundong nakakapagod
Iwanan ang ingay at gulo
Para sa puso
Para sa sarili
Para makawala sa paulit-ulit na ruta
Uhaw sa hinahanap na pag-ibig
Napapaisip, bakit galit na galit ang mga kuliglig?
Tinatanong ang sarili, kailan ito titigil
Baka bukas, o sa makalawa
Giginhawa na kaya sa susunod na kabanata?
Ang tanging nais ngayon ay
Sumisid sa ilalim ng karagatan,
Langhapin ang malamig na simoy ng hangin sa kabundukan
Maabot ang mga bituin na kumikinang sa langit…
Oh kay sarap pagmasdan
Magnilay at kumawala sa daigdig na puno ng kaba
Kumapit sa mga alaalang punong-puno ng saya
Gustong makalaya, magparaya, at higit sa lahat… gustong sumaya
Ano ba ang halaga kung ‘di makikita
Ang sariling puso na maligaya?
Kasabay nito ang pagtulo ng luha
Humikbi at bumuntong hininga
Digmaang nag-aagam-agam sa pusong
Nagliliyab sa pag-aalala
Ilang beses pa ba mararanasan?
Humihiling sa itaas na sana, ito’y lumipas na
Muntik nang talikuran ang laban,
Sariling multo na nakabalot sa kalungkutan
Nakaposas sa kinatatayuan
Maibigan na lumumbay
Sa pagkakahimlay
Makita ang marilag na kulay
Ng mga halaman na sumasabay sa ihip ng hangin
Marahil sa likod ng mga makakapal na ulap, nandoon
ang liwanag
Liwanag na kumakaway habang nakapaligid ang dilim
Marahil sa tuwa, na kahit sa gitna ng dilim
Batid niya na nakatanaw parin ako… sa kanya
Marahil ito na ang pag-asa
Para sa pusong nagluluksa
Para sa nag-aaklas na isip
Para sa damdaming sumisilong sa mga sana
Pag-asa na hinihintay sa bawat sandali
Hindi madali, hahanapin pa din ang sinag na mananatili
habang buhay
Habang buhay at magsisilbing sandata na panghahawakan
Hindi pa dito nagwawakas
Hindi pa ito ang wakas
Hindi susuko at maghihintay sa pagsapit ng bagong umaga
At sa mga susunod pang umaga
Ito palang ang simula
At sa bawat pagtaas at baba ng talinghaga ng buhay,
Bukas?
Hinto
Ipikit ang mga mata
Hinga