Pag-ibig sa Pagtawag

PAGPAG (Pag-ibig sa Pagtawag)

Anong ambag mo sa bayan?
Ito ang paulit-ulit kong naririnig sa isip ko habang nakatulala sa kawalan
Pinagmamasdan at linalakad  ang mga kalsadang walang laman
Iginigiit ang tanong sa isipan
“Ano nga ba ang ambag ko sa bayan?”

Hindi ako guro pero gusto kong  turuan ang kabataang Pilipino,
Hindi ako bihasa sa sinig at agham, ang gusto ko sana ibahagi ay ang iba’t ibang kulay na nakikita ng ating mumuting mata
Sa napakalaking mundo, mag mula sa bughaw ng langit hanggang
sa pula ng pisngi ay ipininta ng Maykapal.

Hindi rin ako doktor pero nais kong makita ng mga bulag ang mga kulay na ito
Iparirinig ng aking mga panalangin ang hiwaga ng paglika sa mga bingi
Lalakabayin ng mga pilay ang bawat sulok ng hiwaga ito

Hindi ako sundalo, ang tanging armas ko ay ang bibliya’t ang mabuting balita
At nais kong depensahan ang aking mga kapatid sa apoy ng lupa, at ang ipakilala na si Kristo ay ang aking kublian ng tapang
A buhay ko ay alay para maging isang maliit na patunay na ang kapayapaang wagas hatid ng paghangad ng langit.

Hindi ako arkitekto, sa totoo lang medyo mahina nga ako sa numero
Pero sa Diyos ang aking talino at ang aking mga kamay, at nais ko maging bahagi ng pagtaguyod ng kanyang tahanan at papasukin lahat ng nangangailangan

Hindi ko kayang maging pulitiko pero nais ko paring maging lingkod bayan
Hawak ang pangako ng kaligtasan, at ang lilim ng krus ang aking magiging pahayag sa bawat panahon
Hindi rin ako piloto pero sa pag-awit ng pagsamba kaya kong kalimutan ang pakiramdam ng lupa
Misyon kong paramihin ang umaawit ng papuri at ibahagi sa lahat ang pakiramdam ng tunay na pag-lipad

Hindi ako guro o doktor o sundalo
Hindi ako arkitekto o pulitiko
Muntikan nang maging Piloto

 Pero hindi…

Walang titulong nakakabit sa aking apelyido
Walang maipagmamalaki kahit kanino
Dahil pinili kong maging alagad
Hindi ng mundo
Pero ng Panginoong gumawa nito
Sa akin at sa’yo

Sayo,
Ikaw
Na nais kong isama sa nagniningning
Payapa, dalisay at puno ng pag-ibig N’yang presensya  

“Anong ambag ko sa bayan?”
Kumpara sa iba
Baka gapagpag lang
Pero
Itutuloy ko ang paghahanap-buhay
Patuloy akong maghahanap ng buhay para dalhin ang Buhay sa bayang ito

Hindi ako guro o doktor o sundalo
Hindi ako arkitekto o pulitiko
Muntikan nang maging Piloto

At ito lang ang aking ambag:
Ang pag-ibig sa Kanyang pagtawag.

Ako, ay misyonero

What’s your Reaction?
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0