Langit, tala at buwan…
Kay sarap talagang pagmasdan.
Malamig na simoy at himig ng katahimikan,
Sila ang iyong naging sandigan.
Ngunit lingid sa iyong kaalaman,
Saksi ang langit sa mga luhang pinapatahan.
Naging lilim mo ang iyong anino.
Pilit mong lumayo kahit kanino.
Pinili mong maging sa likuran.
Pinili mong ito ang maging tirahan.
Ngunit sa tirahang ito, ika’y dayuhan.
Ika’y nawawala. Ika’y di kabilang.
Alam kong pagod ka na,
At hindi lahat ng hinahanap mo’y nakikita.
Ibaling mo ang iyong paningin.
Kaibigan, tumingin ka sa akin.
NAKIKITA KITA.
Nasisilayan ko ang luha sa kabila ng mga ngiti.
Nararamdaman ko ang sakit sa kabila ng mga awit.
Nasusulyapan ko ang pusong mayroong sugat.
Kaibigan, bitbit mo’y bagaheng mabigat.
Hindi mo man sabihin. Hindi mo man aminin.
Sapat na sa aking ika’y ipanalangin.
Ibinubulong kita sa Kanya nang lihim.
Sa Diyos, tunay kang may lilim.
Piliin mong maging sa harapan.
Piliin mong maging matapang sa laban.
Alam kong kaya mo yan.
Nandito lang ako, aking kaibigan.
Langit, tala, at buwan…
Sila ri’y aking pinagmamasdan.
Kaibigan, tanaw din kita sa hindi kalayuan.
Sapagkat, nandito lang ako sa iyong likuran.